Lunes, Abril 18, 2016

Nung Araw na Dumating Ka (Spoken word)

Nung araw na dumating ka sa buhay ko
Isa lamang iyong ordinaryong araw sa kalendaryo
Na hindi ko minarkahan kasi wala namang espesyal na okasyon para bilugan ko yun

Nung araw na dumating ka,
Nakakain naman ako nang maayos,
nalunok ko naman ang kinakain ko at di ako nabulunan.

Nung araw na dumating ka, nakatulog ako ng mahimbing
kasi wala namang dahilan para magising sa madaling araw at magdamag kang isipin.

Nung araw na dumating ka,
Hindi ka isang artista na pinilihan ko't nagkandarapang makausap makita
Isa ka lang libro na nakatambak sa aklatan ko at hindi ko kailanman maiisipang buksan ang mga pahina nito.

Isa kang pelikula na hinding hindi ko panonoorin
Kasi isa kang horror movie
Nakakatakot kang mahalin
Baka kasi pagkatapos ng palabas o di kaya'y sa kalagitnaan pa lang ay bigla akong himatayin

Isa kang damit
na hinding hindi ko susuotin kasi maluwag o di kaya nama'y bitin

Isa kang sapatos na hindi ko rin susuotin
Kasi ayoko ng kulay, ayoko sa tingin.

Nung araw na dumating ka,
Wala, wala talaga!

Nung araw na dumating ka, walang espesyal sa ating pagkikita
Pero matapos ang araw na dumating ka,
Nagbalik ka
Nanatili
Hindi ka umalis
Paulit-ulit kang nagpakita.
Sa paligid ko'y nanatili ka.
Iyang mga ngiti
Iyang mga titig
Hindi sa akin mawaglit

Hindi ko alam kung sadya bang palakaibigan ka lamang O di kaya nama'y gusto mo lang talaga akong pagtripan Pero ano man ang 'yong dahilan, alam mo bang wala na akong pakialam? Kasi ngayon,gustong gusto ko nang minamarkahan ang bawat petsa sa kalendaryo.
Bawat petsang magkasama tayo.
Gustong gusto ko nang bilugan ang bawat numero ng mga araw na nginingitian at tinititigan mo ako
Nakakain naman ako nang maayos,
nalulunok ko pa naman ang mga kinakain ko pero paminsan minsa'y nabubulunan na ako.
Pati kasi sa hapag kainan ay naalala ko ang mga ngiti mo, kaya napapangiti narin ako.

Nakakatulog pa naman ako sa gabi pero hindi na ganoon kahimbing
Bigla bigla nalang kasi akong nagigising tapos titingala sa kisame at mapapangiti
Madalas na kasi akong managinip
Managinip nang kasama ka, na sana'y totoo, sana'y magkatotoo pa.

Nung araw na nanatili ka,
Nahigitan mo pa ang isang artista na pipilahan makausap makita
Isa ka na ngayong libro na hindi na natutulog sa aklatan ko Kasi gustong gusto ko nang buklatin ang bawat pahina mo, gustong gusto ko nang tuklasin at bawat kuwit at tuldok nito Wala mang makikitang mga litrato, babasahin at babasahin ko parin.

Isa kang pelikula na ngayon ay handa ko nang panonoorin
Kahit horror movie ka pa, samahan mo pa ng maligno, engkanto, tiktik manananggal at kung ano ano pa
Hinding hindi na ako matatakot na mahalin ka, este panoorin ka
At tatapusin ko ang palabas, kahit gaano man to kahina,(turo sa puso) Hindi ako hihimatayin, matatakot siguro sa una pero matutunan kong kontrolin ang bawat paghinga kasama ka

Ngayo'y isa ka nang damit
na paulit uli ko nang susuotin maluwag man o di kaya nama'y bitin

Isa ka nang sapatos na kahihiligan kong suotin
Kahit ayoko ng kulay pero maganda rin pala sa paningin.

Matutuhan kong gawin ang mga bagay na dati'y hindi ko kayang gawin, mahalin

Nung araw na dumating ka, ibang iba yun sa araw na nanatili ka
Nung araw na nanatili ka, ayaw ko nang magbalik sa mga araw na wala ka

Kaya nga itong tula, ay di ko na alam kung paano wakasan pa
Kasi walang wakas
Walang wakas sa ating istorya
At kung sakali mang dumating ang pagkakataon na sadyain ng tadhanang tuldukan ang dulo ng ating mga salita
Isa lamang aking pakiusap sinta
Ikaw nalang ang magmarka
sa araw na ikay mapagod na
Kasi ako, patuloy ko paring mamarkahan ang bawat petsa na sa ala-ala ko'y nanatili ka.
Ikaw man ay mag-iba.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento