Biyernes, Hulyo 26, 2013

"Peks Man, Mamatay Man"






Paano kaya kung abutan ka ng isang "regalo"? Yung tipong nasa isang malaking box at nakabalot pa ng pagkabonggang-bongga pero pagdating ng panahon ay bawiin sa iyo? Di ba't nakakabanas? Ang sarap sigurong ibato sa kanya at kung nagkataon ay baka masaktan mo pa.
Pero wag ka, sa buong buhay ko, minsan akong nakatanggap ng isang REGALO. Regalong di matutumbasan ng pilak, ginto at kahit na magkanong halaga. Di Niya rin ito babawiin at pababayaran. 'Ba naman pagkayamanyaman ng nagbigay e. Ang kagandahan dun, di lang naman talaga para sa akin 'to. Ngayon iaabot ko rin sa'yo. Ang tanong, tatanggapin mo?
Ayon sa nasusulat, Roma 6:23 , "...ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggang kay Kristo Hesus na ating Panginoon."
Oo, lahat tayo ay nanaisin ang regalong ito na sa langit lamang makakamtan. Subalit, ang katotohana’y lahat tayo ay makasalanan, ( Roma 3:23, “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos”). E ano naman kung tayo ay makasalanan? Kaibigan, may kabayaran ang ating kasalanan - “…kamatayan” at matutukoy ito sa dalawang uri: 
Pisikal na Kamatayan - pagkahiwalay ng kaluluwa sa katawan.
Espiritwal na Kamatayan - pagkahiwalay ng tao mula sa Diyos
Kamatayang espiritwal ang usaping ito. Ang ating kaluluwa ay nahahatulan ng walang hanggang kaparusahan sa impyerno - lugar na may apoy at uod na hindi namamatay. Mayroon ding matinding kadiliman pagkat ito’y lugar ng pagdurusa at paghihirap. (Pahayag 21:8) Sa madaling salita, lahat tayo ay patutungo dito. Lahat ay ipinanganak nang makasalanan at walang perpekto, alam mo yan !
Pero may isang malaking PERO. Mahal ka ng Diyos. At dahil sa pagi-ibig na ito, binigay Niya ang Kanyang bugtong na anak na si Hesus. Nadanak ang Kanyang dugo sa krus ng kalbaryo upang tubusin ang ating mga kasalanan. Iyan din ang naging paraan upang tayo’y hindi na mahatulan sa impyerno. Sumampalataya ka na si Hesus ay namatay inilibing at muling nabuhay. Ipikit ang mga mata, iyuko ang ulo at kausapin Siya nang ganito:
“ Dakilang Diyos inaamin ko na ako ay makasalanan at karapat dapat sa impyerno. Subalit, pingsisisihan ko po ito at tinatanggap Kayo sa aking puso bilang sariling Tagapagligtas. Salamat po sa buhay na walang hanggan at katiyakan ng langit. Sa pangalan ni Hesus, Amen.”
Juan 1:12, “Datapwat ang lahat ng tumanggap sa Kaniya ay binigyan Niya ng kapangyarihan na maging anak ng Diyos, sila na sumamplataya sa Kaniyang pangalan.”
Maraming salamat sa buong puso mong pagtanggap sa regalong ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Ngayong ANAK ka na Niya, ito’y panghabang buhay na. Sa langit na tutungo ang iyong kaluluwa. Magkasala ka man, tulad ng sa magulang at sa anak, anak parin at magulang parin ano man ang mangyari.
Oops, teka ! Speaking of, may magulang ka pa nga di ba? May mga kapatid, kamag-anak maging kapitbahay at iba pang kakilala. Bakit di mo umpisahang abutan din sila ng meron ka. Ano mang oras ay maaring dumating ang tinatawag na “kamatayan” at hindi aksidenteng mabasa mo ito, bagkus itinakda upang maibahagi mo rin sa iba. Walang nananatiling may hanging inilalabas sa ilong. Kaya’t habang may pagkakataon pa, wala nang hiya - hiya! Marami pa sila. Huwag sarilihin ang regalong minsan ding ibinahagi sa iyo. Spread like disease ang tema pagkat ang katiyakan ng langit ay napakahalaga. Doon lamang kasi matatagpuan ang regalong kanina ko pa binabanggit. Meron ka na nito di ba? Aba’y ano pang ang hinhintay mo? Galaw-galaw na!
“A special gift for you. Wala yang bawian. Peks man, mamatay man.”  



1 komento: