Biyernes, Oktubre 10, 2014

Pagsali ng mga Mag-aaral sa mga Paligsahan sa Paaralan: Isang Sangkap Tungo sa Isang Balanseng Pag-aaral

     



     Mula noon hanggang ngayon, ang edukasyon ay isang tulay tungo sa kaunlaran ng bawat mamamayan. Sa pamamgitan nito ay natutulungang tumibay ang pundasyon ng isang indibidwal sa pang-akademikong larangan. Ito ay lubos na makaka-apekto sa mga susunod pang lakbayin.

       Sa kabilang banda, hindi sapat ang katalinuhang dulot ng mga leksyon kung hindi balanse at produktibo ang isang estudyante sa paraang nararapat ring maipamahagi at mapaunlad niya ang kanyang natatanging kakayahan at talento. Ang kaalaman na kinakailangan ng isang mag-aaral ay hindi lamang saklaw ng apat na sulok ng silid kundi bagkus ay maging sa labas ng paaralan. Dito pumapasok ang usapin patungkol sa mga paligsahan o ang tinatawag na "School Activities".

      Buwan-buwan ay iba't-iba ang selebrasyon. Kung kaya naman ay halos buwan-buwan ring nagdaraos ng iba't-ibang patimpalak sa paaralan na angkop sa mga kaganapan. Kinder, Prep, Elementarya, Hayskul o mga nasa Kolohiyo man ay hindi pinapalampas ng mga paligsahan sa iba't-ibang kategorya. Subalit, ano ba talaga ang epekto nito sa mga mag-aaral? Bakit kinakailangan pang magkaroon ng ganito? Gaano ito kahalaga?

     Ayon sa pag-aaral at sa pananaliksik ng mga eksperto, ang pagsali sa mga paligsahan at pampaaralang aktibidad ay pangnahing paraan upang higit na matuto ang isang mag-aaral. Inilahad ng isang psychologist na si  Lev Vygotsky, mabilis na natututo ang mga mag-aaaral kapag isinasapuso nila ang bawat ugali, bokabularyo ideya at aktibidad ng mga taong nasa paligid nila. Ang pagsali sa mga paligasahan ay nakakapagpalakas ng loob ng mga bata at nagbibigay ng kasanayan sa pagharap sa madla. Maging ang karangalan na mayroon sila ay higit na lumalago.

      Kalimitan sa mga mag-aaral na sumsali sa patimpalak ay inihahambing ang sarili sa iba pang estudyante. Sa ganoong paraan ay nagkakaroon sila ng motibasyon na paigtingin pa ang pagsasany lalo't higit sa presentasyon. Ang mga batang maliliit pa lamang ay nagkaroon na ng interes sa entablado ay maaaring maging hanggang sa paglaki ay kahiligan na ito.



 
    Halimbawa ng mga kompetisyong maaaring salihan ay ang sa asignaturang Filipino tulad ng Deklamasyon, Masining na Pag-awit, Poster Making, Pagsulat ng Sanaysay at Pagtalumpati. Sa asignaturang Ingles naman ay nariyan ang Oratorical Contest, Extemporaneous Speech, Story Telling, Newscasting at Speech Choir. Hindi rin padadaig ang mga kompetisyon sa Sining at Agham tulad ng Science Jingle at Scientist Look-a-like. Ilan lamang ang mga iyan sa napakahabang listahan na maaring daluhan.

       Gayunpaman, mayroon parin itong negatibong epekto sa bawat indibidwal. Ang bata na nag bibigay ng kanyang oras para sa mga "extra- curricular activities" ay pinaniniwalaang nagbibigay lamang ng kakaunting oras para sa pang-akademikong gawain. Limitado narin ang kanyang oras sa mga gawaing bahay dahil sa mga pagsasanay na kanyang dinadaluhan. Sa pagkakataong ito ay nararapat na mapayuhana ang mag-aaral na mag-isip ng paraan upang hindo maapektuhan ang kanyang pag-aaral.

       Mayroong 202 na kabuuang araw ng pagpasok ang bawat estudyante ayon s talaan ng Departamento ng Edukasyon. 180 sa mga iyon ay nararapat na ilaan lamang sa pag-aaral ng mga aralin. Nangangahulugan ito na mayroon lamang 22 na araw para sa mga paligsahang pampaaralan. Kalimitang makikita o mahihinuha ng isang magulang at ng guro ang kahinaan ng isang estudyante sa pag-aaral ng aralin ang mga resulta sa kanyang mga pagsusulit. Sa ganoong paraan ay matitimbang at masusukat ang kakayahan ng mga ito kung sapat na ba ang mga karansan sa pagbalanse ng isang actibidad laban sa pag-aaral.

      Subalit, hindi hadalang ang pagsali sa mga patimpalak sa pagiging maunlad ng isang mag-aaral. Sa katunayan, isang itong benepisyo sa kanya sa paraang mayroong pakinabang ang ganitong hilig. Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng mataas na marka sa mga asignatura sanhi ng balanseng oras at atensyon. Maaari ring siyang pagkalooban ng iskolarship at "educational attainments". Pagdating sa kolehiy ay maaaring magkaroon siya ng magandang reputasyon sa paaralan at ibang kapakinabangan. Ang pagpapataas ng kanyang sariling pananaw at katatagan aya higit na adbentahe kumpara sa mga yaong tahimik at walang kibo sa klase.

      Sa madaling salita, tunay na kapakinabangan ang dulot ng pagsali sa mga naturang kompetisyon. Ang mga talentong ipinagkaloob ng Diyos ay hindi dapat itinatago. Ito ay kinakailangang maipakita sa karamihan hindi upang gamitin sa pagpapalaki ng ulo kundi ay upang magsilbing inspirasyon sa iba. Mistulan itong maliit na bagay subalit ito ay isang higanteng kagamitan upang higit na mahasa at mapaglalim pa ang bawat isa.





Biyernes, Setyembre 12, 2014

Takasan Man

Ayaw ko nga ! Ayaw ko na nang balikan iyon. Hinndi mo ba gets ? Ayaw ko !!!

"Gusto ko ! Gusto ko sa dyip din ako. Magbabahagi ng salita ng Diyos."

Ha? Ano raw? Gusto ko ? Eh di ba nga ayaw ko?

Ang gulo ko talaga. Bahala na nga. Basta gagawin ko iyon makapagpasa lang.

Anong makapagpasa lang? Gawin mo iyo para sa Panginoon. Iyon naman ang dapat mong ginagawa di ba? Dapat nagbabahagi ka ng salita ng Diyos maging sa mga oras na ito. Pero anong ginagawa mo riyan? Nakikipagusap ka sa sarili mo. Intrapersonal Communication ang peg? Self-talk? Aba, palaban ka! Tumayo ka riyan nang matauhan kana!

Aaaaaah!!! Nakakainis!!!

Hindi ako kinakabahan. hindi talaga. Pero bakit hindi ako makapagsimula? Hindi ko maibuka ang aking bibig upang makapagsalita. Ang hirap pala pag dati mong gawain. Hindi naman ako ganito dati. Kaya ko naman noon. Hindi na nga bago sa akin ang ganitong pagsasalita lalo na at patungkol sa Kanya. Pero bakit ganito? Nanginginig ako.

"Ate, ikaw na. Game na. 1,2,3...", bulong ni Nica habang sumesenyas na handa na ang camera para sa pag vi-video sa akin. 

Hala teka lang! Wag muna.

"Game na ate!", pagpupumilit niya.

Sige na nga! Ito na...

..........................................

"Ate, tapos na tayo sa wakas!"

Ha? Tapos na? Oo nga ano. Ay grabe. Tapos na nga.

Ang sarap sa pakiramdam. Yaong pakiramdam na maghahalos isang taon ko nang hindi naramdaman. Nakinig sila. Mayroon pa ngang pilit ng yumuko makita lang ang akong ngasasalita. Tumingin sila sa aking mga mata. Nasulyapan ko ang mga matang punong-puno ng katanungan. Patungkol sa kamatayan ang aking ibinahagi, ang katiyakan ng langit sa pamamagitan ni Hesus. Tila bagang nabunutan ng tinik ang kanilang lalamunan sa mga reasksyon ng kanilang mukha nang sabihin kong sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay minahal tayo ng Diyos at ibinigay Niya ang Kanyang Butong na Anak upang bayaran at tubusin ang ating karumihan. Nadanak ang kanyang dugo sa krus ng kalbaryo at upang makatiyak ng langit ay nararapat na tanggapin Siya nang buong puso bilang Diyos at sariling tagapagligtas. Pumikit sila! Ipinikit nila ang kanilang mga mata nang bigkasin kong sumunod sila sa isang panalangin. Nakita ko ang ngiti sa kanilang mga labi nang imulat ko rin ang aking mga mata. Napakagaan sa pakiramdam na naibahagi ko ang ganoong katotohanan mula sa Bibliya at sa ganoong kakaibang pagkakataon pa.

Hindi iyon aksidente at kailanman ay hindi magiging isang pagkakamali na maiatas sa akin ang ganoong gawain. Iyon ay isang biyaya na pinahintulutan ng Maykapal na iatas sa amin ng aming guro. Isang napakalaking pribilehiyo ang pagkakataong iyon na hinding hindi ko malilimutan kailanman.

Akala ko hindi na mauulit. Akala ko limot ko na. Pero hindi pa pala. Kahit anong takas ang gawin ko, ipinapa-alala at ipinapa-alala parin Niya kung saan ako nararapat at kung ano ang dapat kong pinagkaka-abalahan. Ako ang lumayo pero pilit Niya parin akong inilalapit sa Kanyang piling. Purihin ang Panginoon pagkat sapat ang Kanyang pag-ibig para sa mga tulad kong minsan nang tumalikod at ngayon ay pilit Niyang ibinabalik. 
https://www.youtube.com/watch?v=mGM1nnnspDw

Miyerkules, Agosto 27, 2014

Sa Muli Kong Pagpikit

Sa Muli Kong Pagpikit

Sa aking pagtulog ay ang pagsara ng aking mga mata. Sa pagsara ng aking mga mata ay ang pamamahinga ng aking katawang lupa. Sa pamamahinga ng aking katawang lupa ay ang pansamantalang pananahimik ng aking imahinasyon. Sa pananahimik ng aking imahinasyon ay ang paghinto sa pagsulat ng aking kamay. Sa pagkakataong ito ay tuluyan nang nawalan ng silbi ang lapis at papel na bumuo ng aking buhay. Sa paglimot ko sa lapis at papel ay ang pagsikip ng aking dibdib, pagtagaktak ng aking pawis at pagulat na pagbalikwas ng aking katawan mula sa aking kinahihigaan. Doon ako natauhan! Hindi maaaring hindi managinip – hindi maaaring hindi magsulat. Pagkat hindi maisasabuhay ang isang panaginip kung hindi kikilos ang kamay, lapis at papel. At hindi mabubuo ang isang magandang paglalakbay kung sasabay sa pamamaalam ng masikat na araw ang aking panaginip.
Kaya’t muli akong humiga. Muli akong pumikit. Muli akong namahinga at sinigurong gising ang imahinasyon at nakahanda ang lapis at papel. Ngayon ay maaari na akong maglakbay nang walang pangamba. Tutunguhin ko ang lugar kung saan nabubuhay ang hindi dapat mabuhay, nanunumbalik ang hindi dapat manumbalik at nagpapatuloy ang noo’y hindi na ipinagpatuloy. 

Aug. 23,2014
TSSSSK! Hindi ako makatulog. Napakaingay sa baba! Ay oo nga pala, nasa ibang bahay pala ako. Kaarawan ng kaibigan ko at ginabi ang kanyang selebrasyon kung kaya’t minabuti na naming tropa na dito nalamang magpalipas ng gabi. Delikado na rin kasi sa daan kung ipagpipilitan pa naming umuwi. Pero…nakakainis talaga. Kailangan kong managinip!
“Lara, Yxi, hindi talaga ako makatulog”, sabi ko sa dalawa ko pang kasama na kasabay kong paikot-ikot sa latag na kumot sa sahig na aming kinahihigaan.

“Kami ngarin ate. Paano to?”,  reklamo nila.

Maya-maya pa’y naging blangko ang lahat.

“Ate nanaginip ka! Nanaginip ka!” ,sigaw ni Lara.

“’Ha? Talaga?”, pagtataka kong tanong habang kinakamot ang ulo.

“Basta ate nanaginip ka”, paggigiit niya sabay lagay ng 250.00 sa loob ng aking bag.

Booom! Malakas na kalabog ang gumising sa akin. Bumangon ako na waring nagtataka sa paligid. Hindi agad ako naka pagsalita pagkat ang tangi kong iniisip ay kung nanaginip ba ako. Teka…

“Lara, Yxi !Nanaginip ako !” , sigaw ko.

“Talaga ate? Anong napaginipan mo?", nakangiti nilang tanong?

“Inabutan mo daw ako Lara ng 250.00 dahil iginigiit mong na naginip ako kahit hindi ko maalalang na naginip ako”.


Aug.24,2014

“Ako na.”

“Hindi, ako na.”

“Kaya ko na.Ako na”

“Tutulong nga ako di ba?”

“Isa!”

“Ako na.”

“Dalawa. Papangatlo pa?”

“Ok.Fine!Dito na lang ako sa tabi mo”.

Ay sus naman itong lalaking ito. Ang kulit. Sinabi na ngang kaya ko na, ayaw pang maniwalang kaya ko na.Teka, narito ako sa simbahan. Talaga? Bumalik ako dito? Ito na naman ako at naglilinis. Kinukuskos ang na putikang sahig. Pero hindi ako makapaniwalang narito muli ako. Dalawang taon akong nawala at wala paring pinabago ang lugar na ito.
Hindi maalis ang ngiti sa aking labi habang walang kapagurang nililinis ang buong gusaling kinagisnan kong paglaanan ng lakas at oras. Gusaling iniwan ko upang mag-aral sa sekular na paaralan upang maipagpatuloy ang pangarap sa akin nga king mga magulang. Subalit sa muli kong pagtungtong sa lugar na iyon ay puno parin ng pagtataka ang aking isip.
Muli na namang kumunot ang aking noo nang mapansin kong nakatapat na pala sa akin ang lalaking kanina pa ini-aalok ang kanyang tulong. Tinitigan ko siya nang mala-tigreng titig at gayun din ang kanyang iginanti.

KRAAANGGG!

Na bigla ang aking mata sa pagamulat. Napalakas ata ang bolyum na nailagay ko sa aking alarm clock. Woooh! Grabe! Akala ko bumalik na talaga ako doon! Makaligo na nga.
Teka, sino yung lalaki? Tsssk. Di ko maaalala ang mukha niya! Arggg! Di bale na nga lang.


Aug. 25,2014


Tiyak na magugulat sila.

“Happy Birthday to you. Happy birthday to you. Happy birthday happy birthday happy birthday to you.”

“Aba ako ang ginulat niyo ha. Akala ko’y kayo ang masusurpresa sa pagdalaw ko rito. Maraming salamat po sa inyong lahat.”

Binati ako ng mga taga Bible College ng maligayang kaarawan. Narito na naman ako sa simbahan. Pero mayroon akong kailangang Makita.

“Excuse me, excuse me, nakita niyo po ba si Sheena?”, tanong ko sa mga nakatayo sa poste.

“Hindi e”, sagot nila.

Hinayaan ko na lamang na kusa siyang magpakita. Subalit hindi ko na siya nakita.


Aug. 25,2014

Naulan na naman. Diretsuhin ko na to. Bahala na kung may makakita sa akin. Pero nakakahiya. Naka shorts lang ako at puting t-shirt. Hindi pa rin humihilom ang mga sugat ko dahil sa bulutong. Ano ba iyan. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Subalit malayo pa ang iikutan ko kung sa ibang daan ako liliko. Sige na nga. Bahala na.
Sa aking paglalakad ay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Palinga-linga rin ang aking mga mata, nagmamasid sa mga maaaring makakita sa akin. Dadaan ako sa kalsada ng aming simbahan nang may nag-uumapaw na pag-aalangan. Maya-mayapa’y may papalapit na mga naka-barong na kalalakihan at mga naka-paldang kababaihan. Agad kong itinakip ang payong sa aking mukha upang hindi nila ako mamukhaan. Nagtagumpay ang unang pagsalubong subalit hindi ako nakaligtas sa mga sumunod pang dumaan. Nakilala nila ako at dahil sa kahihiyan ay kumaripas ako sa pagtakbo.

“Anak, bumangon ka na. Pawis na pawis ka. Buksan mo ang electricfan at magpalitka ng damit.”, panggigising ni Inay.


Aug.26,2014


“Buksan mo yung aircon”, utos ng babae sa akin habang nanood siya at ng kanyang mga kasama sa telebisyon.

Agad ko namang tinungo ang kina-lalagyan ng aircon at binuksan ito. Unti-unti nang lumamig ang paligid. Lumakas naman ang ingay na umaalingaw-ngaw sa loob ng silid.
Dahil sa ako ay naingayan, padabog akong tumayo at pinatay ang aircon. Napatigil sila sa kanilang kasiyahan at sabay-sabay na napatingin sa akin. Nagulat ako sa nanlilisik nilang mga mata at bigla akong natulala.

KRRAAANNG!

Haaay salamat. Iniligtas ako ng aking alarm clock.


Masarap maglakbay. Masarap magsulat. Masarap managinip. Tara na't pumikit muli.

Sabado, Hulyo 5, 2014

Mahal Kita ! Mahal na Mahal

Isa, dalawa, tatlo ... hanggang hindi na mabilang ...


Iyon ang mga luha kong sa una’y paisa - isa lamang ang pagpatak subalit sa bawat salitang kanyang ibinibigkas ay mas lalong umiigting ang pagdaloy ng mga ito. Hindi ko mapigilan. Hindi ko maitago.

Sakay kami ng bus sa oras na iyon. Sa kalagitnaan ng byahe, bigla na lamang akong natulala , natahimik. Lumipad ang aking isip sa kawalan. Umasta ako na para bang pasan ang daigidig sa hindi mawaring dahilan habang nakatitig siya sa akin nang hindi niya rin alam ang gagawin. "May gusto ka bang sabihin?" , aniya niya . Muli ay natulala ako at tuluyan nang hindi makatitig sa kanyang mga mata na nagsusumamo ng kasagutan. Napagpasyahan kong umiling na lamang pagkat ako mismo'y hndi ko alam kung ano ang isasagot - alam ko subalit ayaw kong ipaalam.

Kasabay ng muling pag - andar ng bus mula sa isang bus stop ay ang muling pag patak ng aking luha. Sa pagkakataong iyon ay talagang pasan ko na ang daigdig at tila may napakabigat na bagay na dumadagan sa aking sugatang puso. Kung maari sana'y ayaw kong mapansin niya ang pag -agos na iyon subalit sadyang mapagbantay ang kanyang mga mata at kanya itong napansin. Pilit kong itinago ang pagpatak ng animo’y ng sa ulan ngunit makulit ito at nilabag ang aking kagustuhan. Pilit niya ring pinunasan ang aking mukha subalit pagalit kong ini - alis ang kanyang kamay. Maya - maya pa ay kinuha ko ang aking cellphone at nagtangkang itype na lamang ang kanina pa gumugulo sa akin. Subalit naduwag ako ! Muli kong itinago ang aking cellphone at unti - unting yumuko . Sa pag baba ng aking mukha ay ang pag-angat niya nito habang papaluhang iniulit ang "may gusto ka bang sabihin ?". Muli't muli , ako ay umiling . Inilabas naman niya ang kanyang cellphone at nag laro ng 4 pic 1 Word. Wala pang dalawang minuto ay kinuha ko ang cellphone na hawak niya at walang pakundangang ini-exit ang larong nilalaro niya. Napatitig siaya sa akin at nang matauhan ay agad ibinaling ang tingin sa itinatayp ko sa kanyang inbox.


"Ayaw kong makita kang masaya sa iba".

"Bakit nagseselos ka ?" , sabi niya matapos mabasa ang aking itinayp. Hindi ako sumagot nang tuwiran. Tumahimik ako tulad ng inaasahan ay muling nagtayp.

"Kaya natatakot ako na mawala ka".

"Gusto ko nang makipaghiwalay".

"Masyado na akong pabigat sa iyo".


Hindi siya sumagot matapos mabasa iyon. Wala ni isang salita ang lumabas mula sa kanyang labi. Agaran niyang kinuha ang kanyang cellphone mula sa aking kamay at hindi na binigyang pansin ang paliwanag na itatayp ko pa lamang. Padabog niyang inihiwalay ang kanyang katawan mula sa literal na pagkakagapos sa aking braso at unti - unti nang naglayo ang kanina lamang ay magkalapit na katauhan. Hindi makabasag pinggan ang katahimikang kanyang isinukli sa mga salitang huli kong binitawan nang pasulat. Kasabay ng kanyang reaksyon ay ang pagdaloy ng luhang mas malaki na ngayon ang butil kumpara sa mga naunang pagpatak. Yumuko ako at nagtakip ng mukha upang hindi makahalata ang ibang pasahero sa aking paghagulgol. Siya naman ay yumuko rin. Dama ko ang mga luhang pigil na pilit niyang itinutulak pabalik subalit pilit ding lumalaban palabas. Ilang minuto pa'y inakay niya ang aking mukha palapit sa kanyang dibdib at muli akong ginapos sa kanayang bisig.

Dinig na dinig ko ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso habang pinapakalma ang luhaan na ako. Ayaw niya akong bitawan. Hindi niya ako hinayaang pumiglas. Tanging ang alam niya lamang sa mga puntong iyon ay kulungin ako ng pagmamahal upang hindi ako tuluyang mawala. Hanggang sa nakarating na kami sa aming destinasyon nang hindi parin malinaw kung bakit kami umabot sa lagay na iyon. Hindi muna kami dumiretso sa sakayan ng jip pauwi .Habang naglalakad papunta sa S.M. , hawak niya nang mahigpit ang aking kamay. Maging ang aking braso ay nakaipit sa kanyang braso. Ayaw niya talaga akong kumawala. Hindi naman ako tatakbo palayo kaya ginantihan ko ng kapit ang kanyang pagkakakapit. Umupo kami sa food court at hindi magtama ang aming paningin. Animo'y bagong magkakilala na hindi makatignin sa isa't - isa. Naglaro na naman siya ng 4 Pic 1 word at muli , kinuha ko na naman iyon sa kanyang kamay. Natulala siya habang hinahaplos haplos ang bimpong hawak niya. Kasabay ng muli niyang pagyuko ay ang pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata. Hindi ko nakayanan ang tagpong iyon subalit kailangan kong hindi ipakita ang mga luhang nagbabadyang bumaha. Pinunasan ko ang kanyang luha at naglakad na kami patungo sa sakayan.

Mahigpit na paghawak na naman sa aking kamay ang kanyang ginawa. Hindi niya ako binitawan maging sa loob ng jip. Para siyang batang nakakapit sa ina at takot mawala. Bumulong siya na pasigaw sa aking puso "Mahal na mahal kita". Tumango na lamang ako pagkat patuloy na ang pagdaloy ng aking luha. Basa na nga ang bimpong hawak ko . Hindi ko alam kung paano iaangat ang aking ulo mula sa pagkakayuko pagkat pinagtitinginan na ako ng ibang pasahero. Gayunpaman, wala nang mas titindi pa nang marinig kong sinabi niya nang kami ay makababa na ang mga salitang ito : "Mag iingat ka lagi ha". Kung kanina ay timba lamang ang pwede kong mapuno ng luha, ngayon ay natitiyak kong drum na. Pilit niya akong pinatahan habang nabuhos ang malaks na ulan at nakisabay din ang aking pag - iyak - walang tigil. Malapit na kami sa aking bahay nang sabihin niyang , "Wala na ba talaga tayo?". Hindi ako sumagot. Basang basa na kami ng ulan. Limang hakbang na lang ang nalalabi. Isa , dalawa, tatlo, apat, lima ... "Kalimutan mo na ako", iyon na lamang ang aking nasambit.

Tandang tanda ko pa ang kanyang postura, ang kanyang pagkakatayo nang marinig niya ang mga salitang iyon. Saksi ang ulan. Saksi ang dilim , ang hangin na tila may poot din. Sabay ulit niya ng "Ingat ka lagi". Para akong babagsak. Gusto kong himatayin . Gusto kong mamaatay sa mga oras na iyon. Kumatok ako sa aming gate nang may nangingilid na luha sa aking mata. Nakayuko akong pumasok upang hindi nila mahalata na ako'y umiiyak. Agad - agad akong naghilamos upang maibasan ang literal na hapdi sa aking mukha. Pagpasok ko ng kwarto ay biglang bumagsak ang aking katawang - lupa sa kama. Gusto kong mawalan ng malay subalit hagulgol ang nagawa ko. Hindi pwdeng lakasan ang pag ngawa sapagkat walang dapat makaalam.

Sunod - sunod na pumasok sa tuliro kong isip ang lahat ng aming alaala . Pitong buwan kaming nagsama na puro halakhakan, hagalpakan , harutan at kulitan. Madalas kaming mapagkamalamang magkapatid dahil magkahawig daw ang aming mukha. Nakilala ko siya bilang CAT officer ko noong hayskul. Crush ko siya noon at ganoon din pala siya sa akin. Nang magkolehiyo ay nagtungo ako ng Laguna at siya naman ay sa Dumaguete upang mag - aral. Makalipas ang dalawang taon , sa kasamaang palad ay pinauwi ako dito sa Cavite dahil nagkasakit ako sa Laguna. Lingid sa aking kaalaman ay hindi rin pala niya tinapos ang nauna niyang kurso kaya't bumalik din siya dito. Nauna lang ako ng anim na buwan. Ang mga sumunod na tagpo ay nang muli na kaming magkita sa Indang, Cavite. Hindi ko alam kung aksidente o talagang sinadya ng panahon na magtagpo at mag-aral kami sa iisang unibersidad. Sa madaling salita, muling umusbong ang itinagong pag-iibigan na dalawang taon na ang nakararaan. Naging masaya , makulay at kakaiba ang pagsasama naming dalawa. Kaya't sino ang mag-aakala na magtatapos kami sa dahilang hindi malaman.

Sa patuloy na pagdaloy na aking luha at pagsikip ng aking dibdib ay napagtanto kong kasalanan ko ang lahat. Nag-iba ako sa paraang hindi ko napansin. Napabayaan ko siya kaya't ang pakiramdam ko’ynahihirapan na siyang pakisamahan ako - isa akong pabigat at walang kwetang kasintahan. Doon naging malinaw na nakipaghiwalay ako dahil ayaw ko siyang nahihirapan. Nakipaghiwalay ako dahil sa sobrang pagmamahal na ayaw kong makaramdam siya ng sakit na siya naman palang normal sa isang relasyon. Akala ko tapos na. Akala ko wala na. Pero sadyang akin talaga siya at ako ay sa kanya. Natapos anag pagluha, natapos ang pag-iyak nang sabihin ko sa kanya sa text na "Hindi ko kaya . May pag-asa pa ba?" Naramdaman ko sa pagkakataong iyon na abot langit ang kanyang pasasalamat nang magbago ang aking pasya. Ngayon, hindi ako makatulog kaya naisulat koi to. Tinulugan niya kasi ako. Marahil ay pagod at mugto ang kanyang mga mata ngayon kaya bumigay at nakatulog. Walang mapaglagyan ng saya ang aking puso sa huling parte na ito sapagkat alam ko na may bukas pa para sa amin. Muli ko pang maririnig ang kanyang tinig. Sa kanyang pagtulog ay ang aking paggising kasabay ang pangarap na patuloy naming bubuhayin. "Mahal kita! Mahal na mahal !”