Minsan ay sinubukan kong sumulat ng isang kwento..
Hanggang sa inabot ng maghapon ay walang nabuo
Yung tipong lumilipad ang istorya sa isip ko
Sa isip ko. At nanatili na lamang sa isip ko
Lumipas ang ilang araw, ilang buwan, ilang taon - nanatiling tikom ang aking kwento.
Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, nagtatalon ang aking puso sa tuwa nang makita ko ang blangkong papel na sa wakas ay may simula na.
Tulad ng ating istorya na nagsimula noon sa wala. Noong mga panahong normal na kadete lamang ang turing mo sa akin samantalang ako’y kilig na kilig sa panaginip na baka ako ay gusto mo rin.Sa iyong tindig at gilas ako’y napapatigil. Kapag ika’y sumisigaw na, mas lalo akong nahuhumaling. Na kapag oras nang humanay ay sasadyain kong magpahuli para ako’y iyong masita at matanim sa iyong isip ang aking mukha..At kapag nasa martsa ay sasadyain ko ring magkamali para ika’y tumigil at ako’y muling mapansin. Subalit nang minsa’y ika’y tumigil at ako ay napansin, nagulat ako nang ika’y nagtungo sa akin.Kinuha mo aking dalawang kamay at pinormang nakalapat. Hindi ko napigilan ang alab na naramdaman pagkat nagmistulang sasabog na bomba ang aking katawan. Pero nang inilabas mo na ang isang patpat na kawayan mula sa iyong likuran ay mas tumindig ang aking balahibo pagkat palad ko ang nito’y tinunguhan.
Nakaramdam ako ng takot sa mga oras na iyon. Na kasabay ng sakit na dulot ng iyong pagpalo ay ang sakit ng katotohanang ako sayo’y balewala lamang. Hindi ko na nadugtungan pa ang introduksyong aking sinumulan - isang kwentong hindi ko alam kung saan ang patutunguhan. Tulad ng sa iyo’y pagsinta na nakuntento na lamang sa simula. Nais ko sanang dugtungan subalit patulo’y kang nagpakita ng kawalan ng pag -asa. Gusto ko sanang gumawa ng paraan subalit inabot ako ng hiya pagkat ako’y isang hamak na babae lamang na sa iyo’y humahanga. Gusto ko sanang ipagpatuloy subalit tuluyan ka nang nawala.
Lumipas muli ang ilang taon at ang simula ay nanatiling simula. Tulad ng isang mananakbo na nagkamali sa pag eensayo, natakot na baka sa muli niyang pagtakbo ay mas masaklap ang abutin nito kaya’t itinigil ang pagtakbo. Tulad ng isang mananayaw na nabalian ng buto sa mali nitong pagbagsak mula sa pagkakalundag hanggang sa ipinayo ng doktor na huwag nang sumayaw. Tulad ng aking pag-ibig na nilamon ng takot at unti-unting binabalot ng poot.
Sinubukan kong muling umisip ng ibang tema, nilukot ang papel na tanging laman ay simula at itinapon upang muling lumikha ng panibagong kwento nang hindi ka kasama. Kay tagal na rin pala mula nang huli kang nakita. Mula nang wakasan mo ang ating simula.
Sa panibagong kwento ay nais kong magsimula nang masaya. Kaya’t ako’y nagpalinga linga at sinubukang hindi ka maalala. Hanggang sa isang araw ay muli akong natulala. Sa bago kong unibersidad ay nakita kita. Uo ..ikaw nga.. Ikaw na aking simula.. Nakita kita..nakaupo sa isang tabi, tumayo at naglakad nang mag-isa. Hindi ako nakapagsalita. Nang ako’y makauwi sa aming tahanan ay agad kong hinanap ang nilukot na papel at sa basurahan ito natagpuan. Muli ko itong inilapat sa aking lamesa, pinagpagan at sinubukang basahin muli ang simula. Kasabay nito ay ang muli kong pag alala kung paano tayo nagkakilala sa mga panahong ako’y umasa na ang tulad ko’y magustuhan mo sana hanggang sa muli kitang nakita - kanina - kanina.. Tulala..ako’y tulala!
Kinabukasa’y nakita ko ang papel sa loob ng aking bag at muli itong inilabas sa oras ng klase. Tulala..ako’y tulala. Sa pagtingin ko sa labas ng bintana ay saktong naroon ka. Nakadungaw sa akin at ibinigay ang matamis mong ngiti. Kung isa itong panaginip ay gusto ko nang magising..Pero mukha itong isang bangungot na papatay sa akin..
Lumabas ako ng silid at napahinga ng malalim. Nandoon ka parin sa tapat ng bintana at nakaaabang pala sa akin. Sa takot kong madugtungan ang ating simula ay lumihis ako ng daan subalit mabilis na ako’y iyong nasundan. O kay saya .. O ka’y saya..subalit nakakatakot madugtungan ang simula..Hinawakan mo ang aking braso at nang ako’y humarap - ikaw ay hapong hapo sa pagkakahabol sa akin. Minabuti kong huminto at inalis ang iyong pagkakakapit. At bigla kong naisip ang bagong papel na wala pang simula. Baka ito na ang panahon para sa panibagong istorya na wala pang simula. Subalit bigla ko ring naisip ang nasayang na simula na hindi na kailanman nadugtungan pa mula nang ika’y mawala. Kaya ako’y tumakbo palayo sayo pagkat ako’y takot na baka muling iwan mo.
Pero bakit sadyang mapaglaro ang tadhana at patuloy parin tayong nagkikita. Hanggang sa isang gabi ay nakita kitang nakaabang sa labas na aming pintuan. Agad kitang nilapitan pagkat sa iyong pagbisita’y ako’y nagulumihanan Inanyayahan kitang tumuloy sa loob subalit ikaw ay tumanggi at sinabing mayroon ka lamang sa aking sasabihin. Agad mong winika na ikaw ay gumagawa ng isang awit na ikaw ang letra at ako ang himig. Muli na naman akong natulala at tuluyang hindi nakapagsalita. Agad kang umalis at ako’y naiwan mag isa. Hindi mo hinintay ang maaari kong itugon kaya muli kong naalala ang papel na may simula. Lalo akong nalito pagkat naalala ko ang simula.
Kinabukasan, isa pang kinabukasan...at nadugtungan ng maraming kinabukasan ay nagpakita ka ng panunuyo subalit hindi parin ako makapili sa kung aling papel ang aking susulatan. Hanggang sa aking napagtanto na nasasayang na ang panahon sa pag iisip ng pipiliin sa pagitan ng may simula at wala.
Sa muli kong pagharap sa aking lamesa ay hindi ko namalayang dinudugtungan ko na pala ang ating simula. Doon ko napagtanto na hindi mahalaga kung ano ang simula. Ang mahalaga ay siya - ang aking simula. Ikaw - wala nang iba.
Inamin mo sa akin na noon mo pa ako iniibig - at nanatili kang walang himig pagkat natakot ka ring hindi marinig. At nang muli mo akong nakita ay doon mo rin napagtanto na ang awit ay dapat inaawit kaya...kaya sa iyong muling paghimig ay nais mong ako na ay kapiling.
Mistulang kahapon lamang na ako’y mag-isa..subalit ngayon tayo ay ganap nang magkasama. Hindi natin inalintana ang mga balakid sa paligid..Pagkat tanging pag -ibig ang nagbukbuklod sa atin..hanggang sa napuno na ang aking pahina na noo’y simula. Nagkaroon ng laman ang kwento at hanggang ngayon ay patuloy na nadudugtungan pa. Pagkat walang sawa kang sumusulat ng iyong awit na ikaw ang letra at ako ang himig.
Lumipas ang mga taon na ayaw nang lisanin ng aking panulat ang papel na may simula. Patuloy ang kwento patuloy ang kanta. Napawi ng iyong himig ang takot na dugtungan ang simula. Ngayon bawat letra ay mahalaga. Bawat nota ay espesyal na. Tulad ng isang mananakbo na nagkamali sa pag eensayo, natakot na baka sa muli niyang pagtakbo ay mas masaklap ang abutin nito subalit hindi siya tumigil kaya’t nang gumaling ay muling tumakbo at nakamit ang tagumpay na higit pa sa ginto. Tulad ng isang mananayaw na nabalian ng buto sa mali nitong pagbagsak mula sa pagkakalundag hanggang sa ipinayo ng doktor na huwag nang sumayaw. Subalit sadya siyang matatag kaya’t kahit nakaupo ay nagawang magturo sa mga batang nangangarap at ngayon siya ay umiindak sa saliw ng sayaw ng kanyang pusong punong puno ng galak. Tulad ng aking pag-ibig na nilamon ng takot at unti-unting binabalot ng poot subalit sa paglipas ng panahon ay napawi ang takot, kumawala sa poot at ngayon ay tanging pagsinta ang bumabalot.
Mahal, sa aking pagtatapos, nais kong malaman mong sa iyong pananatiling pag himig, ay nanatili akong sumusulat at pangakong hindi ko ito wawakasan tulad ng iyong awit na hindi mo tutuldukan. Sabay nating tutunguhin ang landas na walang hanggan pagkat ang simula ay madudugtungan at ang ating simula ay hindi kailanman mawawakasan.
Nagmamahal,
Marilag