Isa, dalawa, tatlo ... hanggang hindi na mabilang ...
Iyon ang mga luha kong sa una’y paisa - isa lamang ang pagpatak subalit sa bawat salitang kanyang ibinibigkas ay mas lalong umiigting ang pagdaloy ng mga ito. Hindi ko mapigilan. Hindi ko maitago.
Sakay kami ng bus sa oras na iyon. Sa kalagitnaan ng byahe, bigla na lamang akong natulala , natahimik. Lumipad ang aking isip sa kawalan. Umasta ako na para bang pasan ang daigidig sa hindi mawaring dahilan habang nakatitig siya sa akin nang hindi niya rin alam ang gagawin. "May gusto ka bang sabihin?" , aniya niya . Muli ay natulala ako at tuluyan nang hindi makatitig sa kanyang mga mata na nagsusumamo ng kasagutan. Napagpasyahan kong umiling na lamang pagkat ako mismo'y hndi ko alam kung ano ang isasagot - alam ko subalit ayaw kong ipaalam.
Kasabay ng muling pag - andar ng bus mula sa isang bus stop ay ang muling pag patak ng aking luha. Sa pagkakataong iyon ay talagang pasan ko na ang daigdig at tila may napakabigat na bagay na dumadagan sa aking sugatang puso. Kung maari sana'y ayaw kong mapansin niya ang pag -agos na iyon subalit sadyang mapagbantay ang kanyang mga mata at kanya itong napansin. Pilit kong itinago ang pagpatak ng animo’y ng sa ulan ngunit makulit ito at nilabag ang aking kagustuhan. Pilit niya ring pinunasan ang aking mukha subalit pagalit kong ini - alis ang kanyang kamay. Maya - maya pa ay kinuha ko ang aking cellphone at nagtangkang itype na lamang ang kanina pa gumugulo sa akin. Subalit naduwag ako ! Muli kong itinago ang aking cellphone at unti - unting yumuko . Sa pag baba ng aking mukha ay ang pag-angat niya nito habang papaluhang iniulit ang "may gusto ka bang sabihin ?". Muli't muli , ako ay umiling . Inilabas naman niya ang kanyang cellphone at nag laro ng 4 pic 1 Word. Wala pang dalawang minuto ay kinuha ko ang cellphone na hawak niya at walang pakundangang ini-exit ang larong nilalaro niya. Napatitig siaya sa akin at nang matauhan ay agad ibinaling ang tingin sa itinatayp ko sa kanyang inbox.
"Ayaw kong makita kang masaya sa iba".
"Bakit nagseselos ka ?" , sabi niya matapos mabasa ang aking itinayp. Hindi ako sumagot nang tuwiran. Tumahimik ako tulad ng inaasahan ay muling nagtayp.
"Kaya natatakot ako na mawala ka".
"Gusto ko nang makipaghiwalay".
"Masyado na akong pabigat sa iyo".
Hindi siya sumagot matapos mabasa iyon. Wala ni isang salita ang lumabas mula sa kanyang labi. Agaran niyang kinuha ang kanyang cellphone mula sa aking kamay at hindi na binigyang pansin ang paliwanag na itatayp ko pa lamang. Padabog niyang inihiwalay ang kanyang katawan mula sa literal na pagkakagapos sa aking braso at unti - unti nang naglayo ang kanina lamang ay magkalapit na katauhan. Hindi makabasag pinggan ang katahimikang kanyang isinukli sa mga salitang huli kong binitawan nang pasulat. Kasabay ng kanyang reaksyon ay ang pagdaloy ng luhang mas malaki na ngayon ang butil kumpara sa mga naunang pagpatak. Yumuko ako at nagtakip ng mukha upang hindi makahalata ang ibang pasahero sa aking paghagulgol. Siya naman ay yumuko rin. Dama ko ang mga luhang pigil na pilit niyang itinutulak pabalik subalit pilit ding lumalaban palabas. Ilang minuto pa'y inakay niya ang aking mukha palapit sa kanyang dibdib at muli akong ginapos sa kanayang bisig.
Dinig na dinig ko ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso habang pinapakalma ang luhaan na ako. Ayaw niya akong bitawan. Hindi niya ako hinayaang pumiglas. Tanging ang alam niya lamang sa mga puntong iyon ay kulungin ako ng pagmamahal upang hindi ako tuluyang mawala. Hanggang sa nakarating na kami sa aming destinasyon nang hindi parin malinaw kung bakit kami umabot sa lagay na iyon. Hindi muna kami dumiretso sa sakayan ng jip pauwi .Habang naglalakad papunta sa S.M. , hawak niya nang mahigpit ang aking kamay. Maging ang aking braso ay nakaipit sa kanyang braso. Ayaw niya talaga akong kumawala. Hindi naman ako tatakbo palayo kaya ginantihan ko ng kapit ang kanyang pagkakakapit. Umupo kami sa food court at hindi magtama ang aming paningin. Animo'y bagong magkakilala na hindi makatignin sa isa't - isa. Naglaro na naman siya ng 4 Pic 1 word at muli , kinuha ko na naman iyon sa kanyang kamay. Natulala siya habang hinahaplos haplos ang bimpong hawak niya. Kasabay ng muli niyang pagyuko ay ang pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata. Hindi ko nakayanan ang tagpong iyon subalit kailangan kong hindi ipakita ang mga luhang nagbabadyang bumaha. Pinunasan ko ang kanyang luha at naglakad na kami patungo sa sakayan.
Mahigpit na paghawak na naman sa aking kamay ang kanyang ginawa. Hindi niya ako binitawan maging sa loob ng jip. Para siyang batang nakakapit sa ina at takot mawala. Bumulong siya na pasigaw sa aking puso "Mahal na mahal kita". Tumango na lamang ako pagkat patuloy na ang pagdaloy ng aking luha. Basa na nga ang bimpong hawak ko . Hindi ko alam kung paano iaangat ang aking ulo mula sa pagkakayuko pagkat pinagtitinginan na ako ng ibang pasahero. Gayunpaman, wala nang mas titindi pa nang marinig kong sinabi niya nang kami ay makababa na ang mga salitang ito : "Mag iingat ka lagi ha". Kung kanina ay timba lamang ang pwede kong mapuno ng luha, ngayon ay natitiyak kong drum na. Pilit niya akong pinatahan habang nabuhos ang malaks na ulan at nakisabay din ang aking pag - iyak - walang tigil. Malapit na kami sa aking bahay nang sabihin niyang , "Wala na ba talaga tayo?". Hindi ako sumagot. Basang basa na kami ng ulan. Limang hakbang na lang ang nalalabi. Isa , dalawa, tatlo, apat, lima ... "Kalimutan mo na ako", iyon na lamang ang aking nasambit.
Tandang tanda ko pa ang kanyang postura, ang kanyang pagkakatayo nang marinig niya ang mga salitang iyon. Saksi ang ulan. Saksi ang dilim , ang hangin na tila may poot din. Sabay ulit niya ng "Ingat ka lagi". Para akong babagsak. Gusto kong himatayin . Gusto kong mamaatay sa mga oras na iyon. Kumatok ako sa aming gate nang may nangingilid na luha sa aking mata. Nakayuko akong pumasok upang hindi nila mahalata na ako'y umiiyak. Agad - agad akong naghilamos upang maibasan ang literal na hapdi sa aking mukha. Pagpasok ko ng kwarto ay biglang bumagsak ang aking katawang - lupa sa kama. Gusto kong mawalan ng malay subalit hagulgol ang nagawa ko. Hindi pwdeng lakasan ang pag ngawa sapagkat walang dapat makaalam.
Sunod - sunod na pumasok sa tuliro kong isip ang lahat ng aming alaala . Pitong buwan kaming nagsama na puro halakhakan, hagalpakan , harutan at kulitan. Madalas kaming mapagkamalamang magkapatid dahil magkahawig daw ang aming mukha. Nakilala ko siya bilang CAT officer ko noong hayskul. Crush ko siya noon at ganoon din pala siya sa akin. Nang magkolehiyo ay nagtungo ako ng Laguna at siya naman ay sa Dumaguete upang mag - aral. Makalipas ang dalawang taon , sa kasamaang palad ay pinauwi ako dito sa Cavite dahil nagkasakit ako sa Laguna. Lingid sa aking kaalaman ay hindi rin pala niya tinapos ang nauna niyang kurso kaya't bumalik din siya dito. Nauna lang ako ng anim na buwan. Ang mga sumunod na tagpo ay nang muli na kaming magkita sa Indang, Cavite. Hindi ko alam kung aksidente o talagang sinadya ng panahon na magtagpo at mag-aral kami sa iisang unibersidad. Sa madaling salita, muling umusbong ang itinagong pag-iibigan na dalawang taon na ang nakararaan. Naging masaya , makulay at kakaiba ang pagsasama naming dalawa. Kaya't sino ang mag-aakala na magtatapos kami sa dahilang hindi malaman.
Sa patuloy na pagdaloy na aking luha at pagsikip ng aking dibdib ay napagtanto kong kasalanan ko ang lahat. Nag-iba ako sa paraang hindi ko napansin. Napabayaan ko siya kaya't ang pakiramdam ko’ynahihirapan na siyang pakisamahan ako - isa akong pabigat at walang kwetang kasintahan. Doon naging malinaw na nakipaghiwalay ako dahil ayaw ko siyang nahihirapan. Nakipaghiwalay ako dahil sa sobrang pagmamahal na ayaw kong makaramdam siya ng sakit na siya naman palang normal sa isang relasyon. Akala ko tapos na. Akala ko wala na. Pero sadyang akin talaga siya at ako ay sa kanya. Natapos anag pagluha, natapos ang pag-iyak nang sabihin ko sa kanya sa text na "Hindi ko kaya . May pag-asa pa ba?" Naramdaman ko sa pagkakataong iyon na abot langit ang kanyang pasasalamat nang magbago ang aking pasya. Ngayon, hindi ako makatulog kaya naisulat koi to. Tinulugan niya kasi ako. Marahil ay pagod at mugto ang kanyang mga mata ngayon kaya bumigay at nakatulog. Walang mapaglagyan ng saya ang aking puso sa huling parte na ito sapagkat alam ko na may bukas pa para sa amin. Muli ko pang maririnig ang kanyang tinig. Sa kanyang pagtulog ay ang aking paggising kasabay ang pangarap na patuloy naming bubuhayin. "Mahal kita! Mahal na mahal !”