Linggo, Setyembre 22, 2013

Nakaw na Sandali

Nakagigimbal man ang mga eksena, ang ating magigiting na sundalo ay patuloy parin ang pagpapatunay ng kanilang pag-ibig para sa bayan. Pag-ibig na kahit sariling buhay ay kayang isugal at nakahandang yakapin ang kamatayan para sa ipinaglalaban. Bakbakan sa Zamboanga ang kasalukuyang laman ng balita. Subalit minsan na bang sumagi sa iyong isip na sa likod ng kahang-hangang katapangan ay naroon naman ang mga luhang nangingilid na kung loloobin ay tuluyang dadaloy dala ng takot at pangamba? Paano kaya kung isa ka sa malapit sa mga sundalong ito? Paano kung kapamilya ka? Mananahimik ka nalang ba o isa ka rin sa mga luluhod para sa kanila? Sundalo ang tatay ko. Wala pa ako sa mundo, danas na niya ang gyera. Normal na lang ang pagdanak ng dugo. Ang pagsabog ng bomba ay parang sa bagong taon lang at ang malalamig na bangkay ay malapitang nasaksihan ang pagbulagta. Isa lamang ako sa mga “anak” ng naglipanang sundalo sa buong mundo. Lumaki nang malayo sa kanya. Kinasanayan nang walang ama. Labis ang aking paghihimutok tuwing sasapit ang mga mahahalagang araw ng buhay ko. Mga araw na tanging sa isip ko na lamang siya nakakasama. Di ko noon maintindihan. Kay hirap maunawaan. Bakit niya pa kailangang unahin ang iba para paglingkuran? Bakit kailangan niya pang lumayo? Anong meron sila na wala ang pamilyang siya mismo ang bumuo? Sa kanyang pagtalikod mula sa aming pintuan hanggang sa di ko na matanaw maging ang kanyang anino, isa isang pumapatak ang aking luha habang pinagmamasdan ang balisa kong ina. Subalit, dumating ang panahong ang minsang di pangkaraniwan sa pakiramdam ay naging kwento na lamang at tuluyan nang nakasanayan. Nagulat pa nga ako sa minsang biglaan niyang pag-uwi. Sa kabila ng lahat ng tampo at galit na namuo sa puso ko, dumating pa rin ako sa puntong ipinaunawa ng Diyos kung gaano ako kapalad na magkaroon ng ganoong ama-SUNDALONG AMA! Nanariwa lahat habang lumuluhang yakap ko siya. Mga ala-ala ng isa o dalawang oras niyang pag-uwi sa isang buwan; pag karipas ng pagtakbo sa ospital pag inaatake ako pero mga prutas nalang ang aking magigisingan dahil pinabalik na siya sa kampo; mga panahong halos sumigaw ako sa tuwa dahil kasama ko siyang humahagalpak sa pagatawa at nakikipagharutan pa subalit maya-maya’y tila bulang naglaho dahil ipinatawag ng opisyal. Higit nang magtapos ako ng elementary na halos mabali ang aking leeg sa pagtanaw sa kanya pero wala – wala talaga ! Mas lumaki ang patak ng aking luha nang muli kong sariwain ang pinakaiinisan kong araw, ang aking kaarawan. Selebrasyong halos ayaw kong magpakasaya sapagkat sa tuwing lahat ay nailigpit na at mata ko’y pikit na, bigla na lamang dumadampi ang isang halik sa aking noo sabay sabing , “Happy Birthday anak, pasensya kana at nahuli si Tatay.” Tulog tulugan ang aking tenga pero tumatagos sa puso tuwing kanyang sinasambit. Lahat ng iyon ay waring balang tumama sa sarado kong isipan at bumukas kayat ako’y natauhan. Mahal na mahal ako ng aking ama. Binuhay niya ako sa paraang marangal at maipagmamalaki ko. Walang dapat ikagalit. Walang pero pero. Unti-unti ko nang nauunawaan na kaakibat ng kanyang pagiging anak ay ang katotohanang ano mang oras ay maari siyang bawiin ng nasa itaas. Katotohanang di ko man pinangarap ay kailangan ko paring tanggapin pagkat ito ang dikta ng buhay. Kayat sa mga tulad ng ganapan ngayon sa Zamboanga, dama ko ang hirap. Hindi lamang sa mga sundalong naroon, kundi maging sa kanilang mga mahal sa buhay. Akala mo madali lang ? Akala mo ganun ganun na lang? Maaring sa iyo’y sapat nang malamang may mga tulad nilang lumalaban - para sa bayan , para sa kapayapaan. Subalit alalahanin ding mayroong araw-araw nagsusumamo at walang humpay na bumibigkas ng panalangin para sa kanilang kaligtasan. Mga tulad kong umaasa sa pangmatagalang kasiyahan kapiling siya subalit hanggang ngayo’y nagtatyaga sa mga “nakaw na sandali.”